Manila, Philippines – Habang nananatili pa ring sentro ng gumugulong na imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects ang mag-asawang Discaya at kanilang mga kumpanya, patong-patong na tax charges ang kahaharapin pa ng mag-asawa mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Personal na isinampa ni BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr. ang multiple tax charges laban kina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah Rowena Cruz Discaya, at isang corporate officer ng St. Gerrard Construction Gen. Contractor and Development Corporation.
Batay sa imbestigasyon ng BIR, mayroong P7.1 billion na tax liabilities ang mag-asawa, kabilang na ang mga hindi nabayarang individual income taxes, excise taxes ng siyam na luxury cars na pagmamay-ari ng mag-asawa, at documentary stamp taxes.
Ayon kay Lumagui, isang mabigat na paglabag sa batas ang hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Dagdag nya pa, nagpapatuloy pa rin ang BIR audit sa mga kumpanya ng Discaya, at na posibleng mas marami pang tax deficiencies ang makalkal at maisampa laban sa mag-asawa.
Hinikayat din ng BIR ang publiko na isumbong o ireport sa ahensya ang sinumang contractor na hindi tumutupad sa kanilang obligasyon sa buwis.—Mia Layaguin, Eurotv News