PUGO, LA UNION AT BAGUIO CITY NIYANIG NG 4.4 MAGNITUDE NA LINDOL, KLASE SA MGA PAARALAN SINUSPINDE 

La Union, Philippines – Niyanig ng magnitude 4.4 na lindol kaninang 10:30 ng umaga ang Munisipalidad ng Pugo sa La Union kung saan naramdaman ang Intensity IV.

Intensity III naman sa Itogon, BENGUET; Villasis, PANGASINAN; San Fernando, at LA UNION.

Ang naramdaman namang paggalaw sa mga imprastraktura at iba pang pasilidad sa Baguio City umabot ng Intensity V, Intensity III sa Aringay, LA UNION; Bontoc, MOUNTAIN PROVINCE; at Sison, PANGASINAN.

Intensity II sa  San Fernando, LA UNION; Nampicuan, NUEVA ECIJA; at Dagupan City habang Intensity I sa Lingayen at Urdaneta Pangasinan. 

Ang naramdamang pagyanig nakuhaan ng video ng ilang mga netizen kung saan kita ang mabilis na paglabas ng mga estudyante sakanilang eskwelahan at pansamantalang pamamalagi ng mga ito sa kalsada.

Ang mga empleyado naman sa Baguio City Hall agad ding nagtipon tipon sa labas ng gusali nang marinig ang alarm, hudyat ng lindol. 

Dahil din dito napalabas sa ospital ang mga pasyente at mga doktor sa Baguio General Hospital and Medical Center, habang ilang estudyante din ang nahimatay na kaagad din naisugod sa pagamutan.

Makikita rin sa ibang mga video ang pagyanig sa bawat kabahayan na tinamaan ng lindol.

Samantala agad namang sinuspinde ang pasok ng mga estudyante sa paaralan sa Pugo La Union at Baguio City matapos ang naranasang lindol. 

Inatasan naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang City Building Official na makipag-ugnayan sa administrator ng mga paaralan gayundin sa mga mall, private at public building para tingnan ang kasalukuyang mga imprastraktura kung may napinsala at ligtas para sa publiko. 

Nakapagtala naman ng bahagyang pagdagsa ng mga pasyente ang Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) Emergency Room matapos ang lindol kaya naman pinayuhan ang ibang mga pasyente na nangangailangan ng medical services, first aid o counseling na magtungo muna sa ibang pagamutan.

Share this