HEALTH BREAK SA MGA PAARALAN, HINDI DAHIL MAY OUTBREAK NG INFLUENZA-LIKE ILLNESS AYON SA DOH 

Manila, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na dahil sa paghahanda sa lindol ang dahilan ng mga lokal na pamahalaan kaya’t nagkansela ang mga ito ng face-to-face classes sa mga paaralan at hindi ito dahil sa tumataas na kaso ng influenza-like illness (ILI) o mala-trangkasong sakit.

Ayon sa DOH walang outbreak sa sakit gaya ng pinangagambahan ng publiko. 

Ang anunsyo raw ng Department of Education (DepEd) ay bahagya daw nagdulot ng kalituhan sa publiko na dapat sana’y isinentro na lamang sa paghahanda ng mga paaralan sa posibleng pagtama ng lindol. 

Gayunpaman, kasama pa rin naman daw talaga sa anunsyo ang ILI lalo’t mula buwan ng August hanggang November ay Flu season kaya’t normal lang daw ang pagkakasakit.

Una naman nang tiniyak ng Department of Education (DepEd) na tuloy tuloy ang pag-aaral ng mga bata sa ipatutupad na Alternative Delivery Modality (ADM) habang wala pang F2F classes.

Sa panahon din daw na walang pasok, magsasagawa ang mga paaralan ng disinfection sa mga silid aralan at iba pang lugar sa eskwelahan.

Nakatakda rin ang inspeksyon sa mga gusali at pasilidad ng mga paaralan upang tiyaking nasa maayos ang istraktura sakali mang may lindol na tumama.

Samantala, bukod sa ILI, kasama rin daw sa pinagtutuunang pansin ng mga paaralan sa disinfection na kanilang ginagawa, ang Hand, Foot and Mouth disease, dengue at iba pang sakit.

Matatandaang una nang nagkansela ng dalawang araw na pasok sa mga eskwelahan ang National Capital Region (NCR) na agad din namang sinundan ng ilang bayan sa Rizal,

Habang mula October 14 hanggang October 31, walang pasok sa buong lalawigan ng Laguna. 

Pinaalalahanan naman ng DOH ang publiko na walang mangyayaring lockdown at mandatoryong pagsusuot ng facemask dahil sa Influenza-like illness (ILI).

Wala rin daw bagong virus sa bansa kaya’t hindi daw dapat magsanhi ng pagkabahala ang mga magulang at ang lahat sa pagkakansela ng klase.—Vanessa Cleofas, Eurotv News

Share this