Manila, Philippines – Inihahanda na ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagsasampa ng mga kasong administratibo laban sa ilang mga opisyal ng barangay na sangkot umano sa katiwalian.
Nagbabala rin ang alkalde sa mga tiwaling opisyal na hindi niya palalampasin ang mga iregularidad sa pamahalaang barangay, kasabay ng pagsasabing hindi uubra sa kaniyang pamumuno ang sistemang “palakasan.”
Ayon kay Sotto, matapos ang pagtuon ng kanilang pamahalaan sa paglilinis sa loob ng City Government, panahon na umano para magsimula rin ang masusing pagbusisi sa ilang barangay na nababalot din ng katiwalian.
Kaugnay nito, inilatag din ng alkalde ang ilang programang isinusulong ng lungsod sa ilalim ng Pasig Urban Settlements Office (PUSO) na layuning matulungan ang mga mamamayan sa pabahay.
Kabilang dito ang Local Community Mortgage Program (CMP), Loan Amortization Restructuring Program, at ang pagpapatayo ng Tawiran Housing Project at Daang Banca Housing Project.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng lungsod para sa good governance at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal, anuman ang kanilang posisyon.—Katheryn Landicho, Eurotv News