Manila, Philippines – Sa gitna ng mga isyung kinahaharap ngayon ng bansa, nanawagan si Former Governor Chavit Singson ng transparency at accountability sa pamahalaan, kasabay ng pagkondena sa patuloy na katiwalian sa bansa.
Aniya, “nililinlang na lamang ng mga ito ang taong bayan.”
Kaya naman nanawagan si Former Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, ng pagkakaisa ng taong bayan lalo ang mga kabataan, upang manindigan laban sa umano’y matinding katiwalian sa bansa.
Iginiit nito na panahon na upang ipaglaban ng taumbayan ang katotohanan, katarungan, at pagbabago kaugnay ng mga umano’y sabwatan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno at mga negosyante.
Ayon kay Governor Chavit Singson, itabi ang politika at mga pansariling interes sa halip ay magkaisa ang taong bayan .
Upang maniwala naman ang publiko na may transparency at accountability sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, ipinahayag nito na unahin ang imbestigayon sa sarili nitong lalawigan bilang halimbawa ng pagiging bukas at tapat sa isinasagawang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Singson, bukas rin ito para sa pagpapa-imbestiga sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Kasunod nito marami na umanong pinaglapas ang gobyerno, pati ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control project.
Aniya ICI na ang mismong nagsabi na maraming ghost project sa bansa ngunit wala pa rin daw itong nakikitang aksyon.
Samantala, binigyang-diin din niya ang papel ng kabataang Pilipino, na aniya’y mayorya ng populasyon, upang pamunuan sa isang mapayapang kilos-protesta na siyang susuportahan nito.
Ito lamang daw ang tanging daan upang wakasan ang korapsyon sa bansa at para makapagtatag ng bagong gobyerno na tunay at tapat sa bayan.
Hinikayat din niya ang suporta ng lahat ng sektor, kabilang ang militar at pulisya, upang protektahan ang Konstitusyon at ang mamamayan.—Grachella Corazon, Eurotv News