PBBM, ILANG MAMBABATAS, HANDANG BUKSAN ANG SALN SA GITNA NG IMBESTIGASYON NG FLOOD CONTROL CORRUPTION SCANDAL 

Manila, Philippines – Handang ipasilip ng ilang opisyal sa pamahalaan ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth sa gitna ng imbestigasyon sa kaso ng korapsyon sa gobyerno. 

Una na sa mga sumang-ayon na ipasilip ang SALN si President Ferdinand Marcos Jr. at Senate president Vicente ‘Tito’ Sotto. 

Pahayag ni Pangulong Marcos, susundin niya ang dating pang mga kautusan, na ipinatigil noong huling administrasyon. 

Aniya, handa siyang ibigay ang SALN kung kinakailangan. 

Kompyansa rin aniya si Pangulong Marcos Jr. sa mga kanyang mga ginawa at hindi ginawa. 

Binigyang diin niya na wala siyang tinatago, dahilan din ng pagkakatatag ng Independent Commission for Infrastructure para imbestigahan ang kaso ng korapsyon na nangyayari sa Pilipinas. 

Iginiit din niya na ang imbestigasyon ng ICI ay proseso na hindi niya maaaring utusan o impluwensyahan. 

Hinihikayat din ng Pangulo ang miyembro ng gabinete na gawin din bukas ang kanilang SALN para sa transparency na hinihingi ng taumbayan. 

Samantala sa text message ni senate president Sotto, handa rin siyang ipakita ang kanyang SALN, anumang oras.

Ilang mga  senador pa ang nagpahayag ng suporta sa muling pagbubukas ng SALN sa publiko, katulad nina Senators JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Joel Villanueva. 

Kamakailan, naglabas ang office of the ombudsman ng memorandum kung saan inaalis nito ang restriction na makita ng publiko ang SALN ng mga opisyal ng gobyerno.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this