Manila, Philippines – Nakahanda na ang mga pasilidad ng New Quezon City Jail para sa mga indibidwal na masasakdal at makukulong kaugnay ng flood control corruption scandal.
Pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pag-inspection sa New QC jail nitong Lunes, na pinakamalapit na pasilidad sa Sandiganbayan na syang magsasagawa ng court proceedings.
Paglilinaw ni Remulla, nakasalalay pa rin sa Korte kung saan ipipiit ang mga indictees, ngunit sinigurong handa na rin ang New QC Jail at ang BJMP sakali mang dito sila ikukulong.
Nanindigan din si Remulla na walang magiging special treatment para sa mga akusado, maging sila man ay mga opisyal ng gobyerno.
80 dormitoryo ang inilaan ng New QC Jail para sa flood control indictment wing, kung saan bawat piitan ay mayroong 5 double bunk beds kung saan kasya ang 10 indibidwal.
Bawat selda ay may isang kubeta at isang shower room, may malinis na maiinom na tubig, at mayroon ding exercise area.
Limang beses sa isang linggo, maliban sa Lunes at Biyernes, ay maaaring dalhan ng lutong pagkain ang mga nakapiit dito, bawal ang gadgets maliban sa landline, at may ilalaang cubicles para sa private talks kasama ang mga abogado.
Paglilinaw ni Remulla, ito ay mga pasilidad kung saan sila maaaring madetine habang dinidinig ang kaso, at sakaling maconvict, ilalagay ang mga ito sa maximum security.
Pagsisiwalat pa ni Remulla, nasa 200 indibiwal ang inaasahang maiindict sa mga susunod na linggo.—Mia Layaguin, Eurotv News