Manila, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na may kapangyarihan ang mga Local Government Unit (LGU) na magpatupad ng sariling patakaran kaugnay sa kalusugan ng publiko, kabilang na ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa kanilang nasasakupan.
Ito ay matapos ipatupad ng Lalawigan ng Quezon ang Executive Order No. DHT-60 na nag-aatas ng pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar, bunsod ng pagtaas ng mga kaso ng respiratory illnesses gaya ng ubo, sipon, at influenza-like illnesses.
Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert del Rosario, pinahihintulutan ang mga LGU sa ilalim ng Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act na magpatupad ng mga hakbang para protektahan ang kalusugan ng kanilang mamamayan.
Dagdag pa ng DOH, bagama’t hindi pa nakikita ang pangangailangan ng face mask mandate sa buong Metro Manila, bukas sila sa mga localized na hakbang depende sa kalagayan ng bawat lugar
PAGSUSUOT NG FACEMASK, IPINATUPAD SA LALAWIGAN NG QUEZON
Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit gaya ng sipon, ubo, influenza-like illness, at mga malulubhang impeksyon sa respiratory system, ipinatupad ni Gobernador Danilo E. Tan ang Executive Order No. DHT-60na nag-uutos ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa buong lalawigan ng Quezon.
Saklaw ng kautusan ang lahat ng indoor settings tulad ng mga opisina, establisyemento, pampublikong transportasyon, at iba pang saradong lugar. Kabilang din dito ang mga outdoor areas kung saan hindi nasusunod ang wastong physical distancing
Layunin ng kautusan na mapigilan ang lalo pang pagkalat ng mga sakit at mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Hinihikayat ang lahat na makiisa at sumunod sa panuntunan bilang bahagi ng kolektibong pag-iingat ng komunidad.