LUCENA CITY, NAGKANSELA NG 3 ARAW NA FACE-TO-FACE CLASSES BUNSOD NG MATAAS NA KASO NG FLU 

Lucena City, Philippines – Tatlong araw na nagkansela ng face-to-face classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong eskwelahan ang pamahalaang lungsod ng Lucena, matapos maitala ang dumaraming bilang ng mga mag-aaral na nakararanas ng Inluenza like-Illness (ILI) o mala-trangkasong sakit. 

Batay sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) umabot sa 6,750 ang naitala nilang kaso ng ILI mula October 1-15.

Sa kabuuang bilang 4,695 ay nagmula sa public schools habang 2,025 naman sa mga private schools.

Maituturing daw ng Lucena LGU na mabilis na pagtaas ito ng kaso ng sakit sa kanilang lungsod, kaya naman upang maiwasan ang hawaan, mula October 20 hanggang October 22 ang kanselasyon ng klase.

Inirekomenda naman ng CESU na mag self isolate ng tatlo hanggang limang araw ang indibidwal na may sintomas ng ILI upang hindi na makahawa pa.

Sumasailalim naman ngayon sa disinfection ang mga paaralan para sa pagbabalik ng klase.

Samantala, ipinag-utos na rin ng lungsod ang mandatoryong pagsusuot ng facemask ng lahat ng nasa loob ng mga paaralan, sandaling manumbalik na ang klase.

Share this