“NO DAY-OFF, NO-ABSENT” POLICY, IPATUTUPAD SA MGA TAUHAN NG MMDA KASABAY NG PAGHAHANDA SA UNDAS 2025

Manila, Philippines – Mahigpit ngayong ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang mga tauhan ang “No Day-off, No Absent” policy, bilang paghahanda sa paparating na paggunita ng All Souls Day at All Saints Day.

Inanunsyo ito ni MMDA Chairman Atty. Don Artes matapos magpulong ang traffic heads ng ahensya para sa ikakasang “Oplan Undas 2025” na magsisimula na sa October 25 at magtatagal hanggang November 3.

Layon daw nitong mabigyan ng mapayapang paggunita sa Undas ang publiko sa pamamagitan ng MMDA personnel na aagapay sa lahat ng preparasyon na kanilang gagawin.

Uunahin daw ng MMDA ang pagdedeploy ng 2,403 personnel para mapaigting ang operasyon ng ahensya.

Isusunod nila ang pag-iinspeksyon sa mga bus terminal, pantalan at paliparan kung saan dadagsa ang mga byaherong uuwi sakani-kanilang probinsya at lugar kung san sila bibisita sa mga namayapa nilang kaanak.

Tutukan din ng MMDA ang limang pangunahing semeteryo sa Metro Manila na kadalasang milyon at libo libo ang nagiging bisita kada taon tuwing Undas.

Kabilang dito ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.

Asahan na rin daw ang mas madalas na pagsasagawa ng mga tauhan ng MMDA ng clearing operation sa paligid ng mga sementeryo.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway upang matiyak ang maayos na daloy ng mga sasakyan papasok at palabas ng Metro Manila upang hindi magkaroon ng mabigat na trapiko.

Share this