GUSALI NG DPWH NA NASUNOG, WALANG NASIRANG MGA DOKUMENTO NA MAY KINALAMAN SA IMBESTIGASYON

Quezon City, Philippines – Ligtas at walang nasunog na mga dokumento na may kinalaman sa imbestigasyon ng flood control project, ‘yan ang kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos masunog ang isa sa mga gusali nito. 

Base sa pahayag ng DPWH, walang mga papeles kaugnay sa flood control project ang nasa Bureau of Research and Standard (BRS), gusali ng DPWH na nasunog. 

Nilinaw ng DPWH na ang tanging responsibilidad ng BRS ay magsagawa ng pagsasaliksik, pag-aaral, pilot-testing, at pagbuo ng mga polisiya para sa government infrastructure project. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng otoridad, nagmula ang sunog sa isang compute unit na sumabog sa Material Testing Division.

Nagpadala na ang pamunuan ng DPWH ng grupo na mag-iimbestiga sa gusali para matukoy ang laki ng pinsala at nang maiwasan ang mga parehong insidente. 

Tiniyak naman ng DPWH na walang empleyado ang nasaktan sa nangyaring insidente. 

Ayon sa Bureau of Fire Protection-NCR, naireport ng sunog 12:39 ng tanghali at umabot sa third alarm ng ilang minuto bago mag-ala-una ng hapon.

Kasalukuyang nahaharap ng DPWH sa mabigat na imbestigasyon kaugnay sa mga katiwalian nito na may kinalaman sa flood control projects.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this