Manila, Philippines – Wala pa mang opisyal na resolusyon mula sa Office of the Ombudsman, boluntaryo na ring isinapubliko nina Senate President Vicente “Tito” Sotto at House Speaker Bojie Dy ang kopya ng kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Batay sa kopya ng SALN ni Sotto, mayroong syang kabuuang P465,604,461 declared assets—higit P335 million para sa real properties habang higit P130 million na personal properties.
Kabilang sa real properties ni Sotto ang mga house and lot at land properties, habang sa personal properties naman kabilang ang mga cash, vehicles, sports equipment, furnitures and fixtures at iba pa.
Mayroon namang kabuuang P276,736,338 liabilities si Sotto para sa bank loans, habang may kabuuang P188,868,123 declared net worth.
Kabilang din sa mga idineklara ni Sotto sa kanyang SALN ay ang mga business at financial connections, maging ang mga walong mga kamag-anak na nasa government service.
Samantala, kumasa na rin sa hamon ng transparency si House Speaker Dy at ipinakita na rin ang kanyang SALN.
May kabuuang P121,144,271 na declared assets si Dy—higit P32.5 million na real properties ng house at agricultural lands, habang P88.6 million na personal properties, kabilang na ang cash, investments, at mga pagmamay-aring sasakyan.
Samantala, P47,124,876 naman ang kanyang total liabilities, at may P74,019,394 declared net worth.
Apat na kumpanya at financial connections din ang idineklara ni Dy sa kanyang SALN, habang 16 namang kamag-anak ang nasa linya rin ng government service.—Mia Layaguin, Eurotv News