Manila, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na generally peaceful at zero untoward incidents ang pagdiriwang ng Undas 2025 sa buong bansa.
Kasunod nito, pinasalamatan ni Acting PNP Chief LTGEN. Melencio Nartatez Jr., ang mga police units partner agencies at ang publiko dahil sa matagumpay na operasyon para matiyak ang security at safety operation.
Ayon sa monitoring ng PNP umabot sa 1.3 milyong katao ang bumisita sa lahat ng sementeryo sa buong bansa kung saan may mangilan-ngilan nahuli dahil sa paglabag sa mga alituntunin.
Sa pahayag ng PNP naging epektibo ang kanilang mga hakbang tulad ng pagpapatupad ng traffic management, crowd control, at public assistance operations.
Ayon sa PNP Public Information Office, nanatiling aktibo at bukas ang mga police assistance desk sa mga sementeryo, terminal, at matataong lugar sa buong bansa.
Samantala, iniulat rin ng ahensya na bumaba sa 13 percent ang crime rate sa buong bansa sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa datos ng ahensya bumaba ang index crime mula sa 6,961 kaso sa pagitan ng July at august 25, patungong 5,989 mula Agosto 26 hanggang Oktubre 30.
Ayon kay Nartatez Jr., ang pagbaba ng krimen ay sumasalamin sa pinalakas na disiplinang pang-operasyon at transparency ng PNP gayundin ang kanilang internal reforms at mas pinaigting na koordinasyon sa mga local government units at komunidad para mapanatili ang peace and order sa buong bansa.
Ang mga focus crime tulad ng murder, homicide, rape robbery, at carnapping ay bumaba rin ng 14.01 porsyento.
Mula August 26 hanggang October 30 umabot na sa mahigit siyam na libong anti drug operations ang isinagawa sampung libo rito ang naaresto at umabot sa mahigit isang bilyong piso ang nasamsam na mga illegal na droga.