INFLATION RATE NOONG OKTUBRE, NANATILI SA 1.7% — PSA

Manila, Philippines – Mula sa 1.7% na Inflation rate noong September 2025, hindi nabago ang antas ng inflation nitong buwan ng Oktubre. 

Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), unang nakapag-ambag sa antas ng inflation ang presyo ng Housing, Water, Electricity, Gas, and other fuels. 

Partikular na rito ang bayad sa renta, kuryente, at suplay ng tubig.

Sunod ang presyo ng Restaurants and Accommodation Services. 

At ikatlo ang presyo ng Food and non-alcoholic beverages, partikular ang presyo ng kamatis, bangus, at ang karneng baboy. 

Ayon kay PSA National Statistician and Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa, september pa lamang nakitaan na ng pagbaba ng 1% ang inflation sa food basket. 

Nabanggit ni Mapa na ang ilan sa mga nakapag-ambag sa mabagal na food inflation ang pagbaba ng presyo ng bigas, mais, at iba pang karne. 

Batay sa sinusundan na galaw ng PSA sa pagpasok ng holiday season sa Pilipinas, posibleng may bahagyang pagbilis sa galaw ng antas ng inflation, lalo na sa presyo ng langis sa transportasyon, isda at karne, at gulay na lubos na naapektuhan dulot ng mga bagyo.

Pahayag ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, ang mabagal na paggalaw ng inflation rate sa Pilipinas ay salamin ng maagap na pagpapatupad ng mga hakbangin ng pamahalaan na maayos ang kondisyon ng suplay. 

“The steady headline inflation rate shows that our coordinated interventions are helping to maintain adequate supplies and keeping essential goods affordable,” ani Balisacan.

Dagdag niya na patuloy ang pagbabantay ng gobyerno laban sa mga banta na maaaring makaapekto sa supply at presyo ng mga commodity: “We remain vigilant in managing risks from weather disturbances, global market volatility, and other domestic factors that may affect prices in the coming months.”—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this