Manila, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng State of National Calamity, matapos ang pananalanta ng Bagyong Tino.
Ang pag-dedeklara ng State of National Calamity sa bansa ay bilang paghahanda na rin sa potensyal na epekto ng isa pang Tropical Storm Fung-Wong na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa darating na weekend bilang Bagyong ‘Uwan’.
Inaasahang aabot ito sa Super Typhoon Category at magla-landfall sa Northern o Central Luzon.
Ayon kay Pangulong Bong Bong Marcos, dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng Bagyong Tino nasa 10 hanggang 12 na rehiyon na ang naapektuhan at maaaring maapektuhan pa ng dalawang bagyo, kaya naman pumayag ito sa rekomendasyon ng NDRRMC upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Binigyan-diin din nito na hindi nito iiwan ang mga probinsyang labis na naapektuhan ng bagyo partikular na sa probinsya ng Cebu hanggang hindi ito nakababangon mula sa sakuna.
Patuloy rin ang isinasagawa nitong relief at recovery activities para sa mga apektadong probinsya.
Dagdag pa nito, naka-antabay na rin ang lahat ng mga uniform personnel ng pamahalaan upang magbigay tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Bukod dito pinaghahandaan na rin daw ng pamahalaan ang mga kinakailangan tulong para sa pagpasok na bagyong uwan.
Samantala, umabot na sa 114 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Tino, tinatayang nasa 127 pa ang mga nawawala.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang disaster at relief response sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.—Grachella Corazon, Eurotv News