Manila, Philippines – Maaari nang mag-avail ng Calamity Loan Program (CLP) ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro ng naapektuhan ng Bagyong Tino sa Cebu upang agad na makakuha ng tulong pinansyal habang patuloy ang pagbangon ng probinsya mula sa matinding pinsala.
Ayon sa SSS, kinakailangan lamang magsumite ng online application ang mga interesadong miyembro upang makakuha ng nasabing tulong.
Sa ilalim ng programa, maaaring humiram ng hanggang ₱20,000 ang mga kwalipikadong miyembro, na may 7 porsiyentong taunang interes at babayaran sa loob ng 24 buwan.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes De Claro na maaaring mag-aplay para sa calamity loan mula Nobyembre 6 hanggang Disyembre 5 ngayong taon.
Layunin ng SSS Calamity Loan Program na magbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga miyembrong lubos na naapektuhan ng mga kalamidad upang makatulong sa kanilang muling pagbangon.