DILG, PINURI ANG MABILIS NA PAGTUGON NG MGA LGU’s SA PANANALASA NG BAGYONG ‘UWAN’

Manila, Philippines – Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Lokal na Pamahalaan sa buong bansa dahil sa kanilang maagap at mabilis na pagtugon sa gitna ng pananalasa ng Bagyong ‘Uwan’.

Dahil sa pakikipagulungan ng mga Local Government Unit (LGU), barangay officials, at mga Disaster Response Team, naiwasan umano ang mas malaking pinsala at mga hindi inaasahang pangyayari sa panahon ng kalamidad. 

Ayon sa DILG, nakikiisa ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagkilala nito sa dedikasyon at kahandaan ng mga LGU’s na magsagawa ng agarang pre-emptive evacuation at emergency response para sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo. 

Mahigit 1.6-M katao o halos 490,000 na pamilya ang nailigtas at nailikas bago pa man maramdaman ang matinding hagupit ng ngayon ay nasa Severe Tropical Storm na lamang na bagyong Uwan. 

Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat ang DILG sa mga kapulisan, bumbero, at mga boluntaryo na buong pusong tumulong sa paglilikas at pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta sa kabila ng banta ng malakas na ulan at hangin.

Tiniyak ng kagawaran na magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa mga LGU upang higit pang mapalakas ang disaster preparedness, koordinasyon, at recovery efforts sa buong bansa.—Grachella Corazon, Eurotv News

Share this