P120 MSRP NG SIBUYAS, IPINATUTUPAD NA NG DA; AMAS, PATULOY MAG-IINSPEKSYON SA MGA PAMILIHAN 

Manila, Philippines – Nagpaalala ang Department of Agriculture (DA) na patuloy silang nakabantay sa mga tindera sa pamilihan na magbabalak itaas ang presyo ng kada kilo ng imported na pula at puting sibuyas.

Ito ay matapos simulan ng ahensya na ipatupad ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) ng sibuyas sa halagang P120 kada kilo.

Ayon sa kagawaran ng agrikultura, ang hakbang na ito ay bilang tugon sa mga nauna nang naipaulat na aabot ng hanggang P300 kada kilo ang sibuyas na hindi na raw makatarungan para sa mga mamimili gayung nasa P60 lang daw ang presyo ng mga inangkat na sibuyas kapag ibinaba na ito sa bansa.

Ang P120 daw ay tiyak ng may kita na makukuha ang mga importers, logistics provider at retailers. 

Sinabi rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bagamat bahagyang mararamdaman ng kakapusan ng supply ng mga sibuyas dahil sa delay.

Hindi pa rin daw dapat ito maging dahilan ng pagtaas sa presyo.

Samantala, ipinahayag naman ni Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS)  Director Junibert E. De Sagun na sinang-ayunan ng mga onion retailer ang MSRP na magkaroon ng konsultasyon para dito.

Nilinaw naman ng AMAS na hindi kasama sa MSRP ang mga sibuyas na nakaimbak na sa mga tindera bago pa maipatupad P120 na MSRP.

Sasaklawin lamang nito ang mga bagong supply, ayon sa AMAS base ito sa napagkasunduan at kondisyon ng mga retailer para hindi daw maapektuhan ang umiiral nilang imbentaryo.

Nagpahayag naman ang AMAS na patuloy silang mag-iikot at mag-iinspeksyon sa mga pamilihan upang maiwasan ang overpricing nagyong papalapit ang kapaskuhan, hindi lang sa sibuyas kunsi sa lahat ng pangunahing mga bilihin.

Share this