Manila, Philippines – Inireklamo sa Office of the Ombudsman ni dating Liga ng mga Barangay President Dra. Lei Lacuna si Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Chi Atienza, at 13 pang opisyal ng lokal na pamahalaan at Liga ng mga Barangay sa Maynila dahil sa umano’y ilegal at walang basehang pagdaraos ng “special election” noong Nobyembre para palitan siya sa posisyon.
Kabilang sa mga reklamong isinampa ang graft, usurpation of functions sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code, at mga administratibong kaso na Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority, at Oppression.
Iginiit ni Lacuna na walang due process sa biglaang pagpapalit sa kanya at inilarawan niya ito bilang malinaw na pang-aabuso ng kapangyarihan. Sinabi pa niya na hindi dumaan sa National Liga ng mga barangay ang naturang special election at wala ring kinatawan mula sa National Liga o DILG na dumalo o nagpatunay sa legalidad ng halalan.
Ayon kay Atty. Michelle Africa, legal counsel ni Lacuna, lumalabas na tila may “basbas” umano ni Mayor Moreno ang pagpapatalsik sa dating pangulo ng Liga. Giit pa niya, ilang beses nang nakaranas si Lacuna ng panggigipit sa konseho.
Humihiling ngayon si Lacuna sa Ombudsman na maglabas ng preventive suspension laban sa 15 respondents at magsagawa ng masusing imbestigasyon para mapanagot ang mga opisyal sa kasong kriminal at administratibo.
Bukod dito, naghain na rin si Lacuna ng petisyon sa Manila RTC upang ipawalang-bisa ang special election at maibalik ang status quo sa pamunuan ng Liga ng mga Barangay sa Maynila.
Gayunpaman naglabas ng pahayag ang Manila Lgu na hindi pa natatanggap ni Moreno ang naturang complaint.
Pinabulaanan din ng LGU ang naging pahayag ni Lacuna at sinabing walang katotohanan ang naging paratang nito.