PHP14.4-M UNCOLLECTED RECEIVABLES NG OP SA IBA’T IBANG AHENSYA NG GOBYERNO, NAPANSIN NG COA

Manila, Philippines – Aabot sa Php 14.4 million pesos ang pautang ng Office of the President (OP) na kailangan nitong singilin sa tanggapan sa gobyerno mula noong 2022 hanggang 2024. 

Ito’y matapos matukoy ng Commission on Audit (COA) sa Annual report nito ang malaking halaga ng uncollected receivables ng OP. 

Batay sa annual audit report ng COA, ang mga pautang ng pangulo ay ginamit para sa foreign trips ng mga ahensya. 

Partikular ang airfare at hotel accommodation. 

Ayon sa COA, PHP 11.95 million ang napautang para sa hotel accomodation at PHP2.4 million para sa airfare. 

Ilang mga ahensya ang natukoy na may utang sa opisina ng pangulo ang Department of Foreign Affairs, House of Representatives, Senate at Presidential Management Staff. 

Binigyang diin ng COA na ang delay sa paniningil sa pautang ng pangulo ay maaaring makaapekto sa sariling operasyon ng OP, dahil orihinal na nakalaan ang pondo nito para sa operasyon ng opisina. 

Ayon naman sa palasyo, magpapadala na sila ng demand letter para sa mga tanggapan na nanghiram ng pondo. 

Pahayag ni Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro, nakapagpadala na ang OP ng collection demand letter sa iba’t ibang ahensya noong April at May 2025. 

Tiniyak naman ng Malacañang na dumaan sa legal na proseso ang pagpapautang ng OP sa mga ahensya. 

Nakasaad sa collection demand letter ang deadline na dapat ay makabayad na ang mga ahensya. 

Ayon naman sa COA, 52% sa pautang ng pangulo ay overdue nang mahigit sa dalawang taon, habang ang 45% o 6.46 million pesos ay hndi pa nababayaran makalipas ang isa o dalawang taon. 

Rekomendasyon ng COA na mag-issue ang OP ng demand letter sa mga ahensya at bumuo ng mekanismo na siyang mangangasiwa sa pangongolekta ng mga nagastos ng iba pang ahensya.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this