DSWD, INILAAN ANG 1% GOV’T POSITION PARA SA MGA PWDs KASABAY NG PAGDIRIWANG NG INT’L DAY OF PWDs

Manila, Philippines – Nagsama-sama ang mga empleyado, kasama ang mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may espesyal na pangangailan bilang pagdiriwang sa International Day of Persons with Disabilities 2025. 

Binigyang diin sa pagdiriwang ang pagiging bukas ng tanggapan  na tumanggap ng mga Persons with disabilities para sa kanilang kakayahan at abilidad na makapaglingkod sa publiko.

Nais palakasin at paramihin ng DSWD ang kanilang mga empleyadong persons with disabilities (PWDs). 

Layunin nito na mas lubos na maunawaan ng tanggapan ang iba pang pangangailangan ng sektor.

Si Atty. Anthony Mark Emocling, isang visually impaired, ay nagsisilbing legislative liaison specialist ng DSWD.

Isa siya sa mga gumagawa ng position paper para sa tanggapan at nagsisilbi ring kinatawan sa mga legislative hearing.

Ayon kay Atty. Emocling, mahalaga na may kinatawan ang PWD sa mga tanggapan ng gobyerno upang maiparating ang mga pangangailangan ng kanilang sektor.

Pahayag ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, bilin ni Pangulong Marcos na walang maiiwan sa pag-unlad ng bansa, kasama na rito ang vulnerable sector na PWDs.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 11, series of 2025, layon nitong gawing permanente na at least 1% ng lahat ng regular at non-regular positions ay nakalaan para sa persons with disability.

Samantala, kinondena ng tanggapan ang mga content creator na ginagawang content ang kalagayan ng mga PWDs.

Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, huwag gawing entertainment ang kapansanan ng mga kababayan. Bagkus, dapat unawain at tanggapin ang kanilang kalagayan, nang sa gayon ay mas mabigyan ng atensyon ang kanilang abilidad at kakayahan na makapag-ambag sa pagbuo ng lipunan.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this