EDSA BUSWAY LANE, MULING BINUKSAN; NORMAL NA ANG OPERASYON MULA ROXAS BLVD. HANGGANG ORENSE

Manila, Philippines – Muling binuksan ang mga Busway Lane sa EDSA mula Roxas Boulevard hanggang EDSA Orense matapos ang isinagawang rehabilitasyon, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa ahensya, balik na sa normal na operasyon ang EDSA Busway sa naturang bahagi, kabilang ang inner lanes sa parehong southbound at northbound, ito ay para sa pagbabalik-eskwela at trabaho ng publiko ngayong araw, January 5, 2026.

Ang pagbubukas ng mga busway lane ay bahagi ng malawakang rehabilitasyon ng EDSA, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na pagandahin at gawing mas ligtas at komportable ang biyahe ng mga motorista at commuter.

Samantala, inanunsyo rin ng DPWH na ang mga natitirang bahagi ng EDSA ay isasailalim pa sa pagkukumpuni.

Magsisimula ang mga repair work sa January 5, at isasagawa na lamang tuwing gabi, mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, upang mabawasan ang abala sa trapiko.

Patuloy na pinapayuhan ang mga motorista at commuter na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang mga proyekto sa EDSA.

Share this