PANGULONG MARCOS, MAGHIHIGPIT SA PAGLALABAS NG MGA ALOKASYON SA 2026 BUDGET — DBM

Manila, Philippines – Sa gitna ng isyu kaugnay sa korapsyon noong 2025, mas pinahigpitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng pondo ng 2026 National Budget. 

Lalo na ang pondo para sa mga bagong programa at binagong budget items na idinagdag ng kongreso. 

Ayon sa Department of Budget and Management, hindi na maaaring ilabas ang budget sa mga proyekto na hindi dumaan sa tamang proseso. 

Nilinaw ni Pangulong Marcos na lahat ng bagong items at dagdag na pondoo sa P6.793 trillion GAA ay hindi awtomatikong i-re-release ang pera. 

Ayon sa DBM, kailangang matiyak na kwalipikado sa cash programming ng pamahalaan ang proyekto, nakasunod sa fiscal safeguards, at naaayon sa umiiral na budget rules at procedures, at panghuli ang pagbibigay ng pangulo ng kanyang pahintulot.

Bunsod ng patakaran na ito, inilagay ng pangulo sa conditional implementation ang ilang special provisions. 

Isa na rito ang Quick Response Fund (QRF) na inilalabas sa tuwing may hindi inaasahang kalamidad sa bansa, kagaya ng bagyo at lindol. 

Nasa ilalim na din ng conditional implementation ang Engineering and Administrative Overhead Expenses, Payment of Retirement Benefits and Pensions, Capacity Development Programs, at Foreign Service Posts. 

Nanindigan si Pangulong Marcos na ang patakarang ipatutupad ay nakasunod sa saligang batas. 

Aniya, nasa tungkuling ng ehekutibo na tiyaking tama, maayos, at responsable ang pagpapatupad ng pondo.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this