Manila, Philippines – Matapos makapagtala ng pinakamatagal na oras ang Traslacion ngayong taon na umabot ng halos 31 oras, kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon mula 2015 hanggang 2025.
Kung saan sumabay rin ang pinakamaraming deboto na nakilahok na may higit siyam na milyon.
Kabilang na rin dito ang apat na nasawi, mas agresibong mga deboto na nais makalapit at makasampa sa andas.
Pinag-aaralan na ng pamunuan ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ang ilang pagbabago sa sistema ng Traslacion sa 2027.
Kabilang sa mga pagbabago na ikinokonsidera ay ang mas pinaikli raw ruta ng andas, kung papaano makokontrol ang mga deboto at iba pang hakbang.
Gayunpaman, sabi ng pamunuan maaga pa raw para sa mga pagpapasya at malaking desisyon ito kung sakali na nangangailangan ng malawakang konsultasyon.
Samantala, matatandaan na sa paglipas ng mga taon marami na ring binago sa pagdiriwang mula pa lang sa dating tawag sa poon na Itim na Nazareno, Black Nazarene, Traslacion Fiesta na ngayon ay mas kilala na sa Pista ng Jesus Nazareno.
Bukod dito matatandaang binago rin ang pagsampa ng mga deboto sa andas na ngayon ay limitado na lamang sa mga nagbabantay dito o mga Hijos.
Mula rin sa tatlo, ginawa ring apat ang gulong ng andas na may sarili na ring manibela para sana sa mas mabilis na pag-usad ng andas.
Nauna nang sinabi ng Quiapo Church na ang pagbagal sa galaw ng andas ay dahil sa ilang mga humaharang na deboto sa daraanan nito na hindi naman daw maiiwasan.