Manila, Philippines – Isinusulong ngayon ni Senate Committee on Public services Chairperson Senator Raffy Tulfo na tanggalin na ang travel tax na ipinapataw sa mga pasaherong naka-economy class.
Sa ilalim ng Senate Bill 88 na muling inihain at ipinanawagan ni Tulfo na agad maipasa, layon nitong i-exempt sa pagbabayad ng tax ang mga ordinaryong Pilipino na bumabyahe paalis ng bansa.
Paliwanag ng Senador, nakadaragdag pa ito sa pasaning gastusin ng mga Pinoy lalo na ang mga sapat lang ang pera.
Gayunpaman, nakasaad sa explanatory note ng panukalang batas na hindi nito layuning buwagin ang travel tax, lalot mananatili pa rin naman daw ang pagpapataw ng buwis sa mga naka-business class at iba pa na kaya naman daw magbayad ng buwis.
Samantala, ang travel tax na nakokolekta ay napupunta sa pagpapabuti ng ilang programa ng pamahalaan, 50% sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), 40% sa Commission on Higher education (CHED) partikular sa pagpapalago ng tourism related academic programs at 10% sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA).