TRABAHO NG ICI, MALAPIT NANG MATAPOS — PBBM

Manila, Philippines – Maglilimang buwan na ang nakalilipas mula ng buoin ng gobyerno ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na itinalaga para imbestigahan ang mga anomalya sa flood control at iba pang infrastructure projects sa bansa.

Ito ay parte ng ikinasang kampanya kontra katiwalian ng administrasyong Marcos sa gitna ng naungkat na talamak at garapal na korapsyon sa gobyerno.

Ngunit ngayon, hindi maiwasan ng publiko na usisain ang mga magiging sunod na hakbang at aktibidad ng ICI lalo pa at hindi pa nasusundan ang pinakahuli nitong 2025 hearing noong December 15.

Bukod pa sa iisa na lamang ang natitirang miyembro ng ICI na si  Justice Andres Reyes Jr., makaraang magbitiw sa pwesto nina Commissioners Rogelio Singson at Rossana Fajardo noong Nobyembre at noong Disyembre.

Mas umingay pa ang mga katanungan kung magpapatuloy pa ba ang ICI matapos ng naging pahayag ni Senadora Imee Marcos na bubuwagin na ang komisyon sa February 1.

Hindi man direktang kinumpirma ang mga napapabalitang pagbuwag sa ICI, ang sabi lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay nito, malapit nang matapos ang trabaho ng ICI.

Ayon kay Marcos, nakadepende ang pagpapatuloy ng operasyon ng Komisyon kung ano pa ang kailangan nitong gawin at kung may natitira pang trabahuhin ang ICI.

“They really are coming towards the end—Lahat ng kailangang imbestigahan, naimbestigahan na nila. Maybe there are one or two other loose ends that they have to clear up. Kung matapos na trabaho nila, then we will see what they can do next,” sabi ni Marcos.

Sa ngayon, hindi pa rin aniya ganap na napagdedesisyunan kung magtatalaga pa ng mga bagong commissioners, at nakadepende rin ito kung kakailanganin pa.

Sakali aniyang tapos na ang trabaho at naisumite na lahat ng rekomendasyon ng ICI, nasa Department of Justice at Ombudsman na aniya ang responsibilidad kaugnay ng mga imbestigasyon.

Sa panig naman ng ICI, inamin ng komisyon na dahil sa pagbibitiw ng dalawang commissioners, hindi pa ito makababalik sa mga opisyal nitong operasyon.

Sa kabila nito, patuloy pa rin anila ang pagproseso, pag-aayos, at pag-iingat ng ICI sa lahat ng impormasyon, records, at ebidensya na kanilang nakalap mula sa mga naging imbestigasyon.

Sa kabuuan, mayroon nang 8 referrals na naisumite ang ICI sa Office of the Ombudsman, na nagresulta sa tatlong kaso na naisampa at pagkakaaresto sa 16 na indibidwal.

Sa ngayon, nakatuon daw ang ICI sa paghconsolidate ng isang report na naglalaman ng lahat ng kanilang naging trabaho at aksyon mula nang maitatag noong Setyembre.

Ang report na ito, ipapasa nila sa opisina ng Pangulo para sa konsiderasyon sa pagtukoy sa kung ano na ang susunod sa ICI.

“These accomplishments will be consolidated in a report currently being prepared by the Commission, summarizing its work and key actions from its establishment  on September 11, 2025 to December 31, 2025. The report will be submitted to the Office of the President for its consideration in determining the next steps for the Commission.”—Mia Layaguin, Eurotv News

Share this