ALKALDE NG SHARIFF AGUAK SA MAGUINDANAO DEL SUR, NAKALIGTAS SA AMBUSH

Maguindanao del Sur, Philippines – Nakaligtas si Shariff Aguak Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan matapos ambusin ang kanyang convoy sa national highway na patungo sa headquarters ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office sa bayan ng Shariff Aguak.

Makikita sa video na ibinahagi ni Vice Mayor Oping Ampatuan sa kanyang opisyal na Facebook page ang ilang armadong kalalakihan na bumaba mula sa isang sasakyan at pinaputukan at pinasabugan ang itim na SUV na sinasakyan ng alkalde. Agad namang nakaalis ang sasakyan ng mayor at nakalayo sa lugar ng insidente.

Ayon sa inilabas na pahayag ng Shariff Aguak Local Government Unit, ligtas at hindi nasaktan ang alkalde sa nasabing ambush. Gayunman, dalawa sa kanyang escort ang sugatan at kasalukuyang ginagamot.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng pag-atake.

Dahil sa insidente, nagsagawa ng emergency meeting ang Municipal Peace and Order Council (MPOC) ng Shariff Aguak LGU na personal na pinangunahan ni Mayor Datu Akmad Mitra Ampatuan. Dumalo sa pulong ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan upang talakayin ang mga hakbang para sa mas pinaigting na seguridad at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan.

Tinutugis na rin umano ng Philippine National Police (PNP) ang mastermind sa pananambang sa alkalde.

Bumuo na rin ang PNP ng task group para tutukan ang imbestigasyon ayon na rin kay Acting PNP Chief P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez.

Kasalukuyan na ring mahigpit ang seguridad sa probinsya at plano na ring paigtingin ang kampanya laban sa paggamit ng hindi lisensyadong armas.

Share this