Manila, Philippines – Inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order ang driver at may-ari ng Mobile Patrol ng Philippine National Police (PNP) matapos nitong masangkot sa isang insidente ng paglabag sa batas trapiko.
Sa kuha ng video na ito makikita ang isang Mobile Patrol na bigla nalang humarang sa harapan ng isang sasakyan.
Huminto ito habang berde o naka go na ang traffic light, ang insidente ay nagdulot ng pagkaantala sa daloy ng trapiko, umusad lamang ito ng maging pula na ang signal light.
Nangyari ang insidente sa Taft Avenue malapit sa Philippine General Hospital.
Ayon sa LTO, kinakailangan humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO ang rehistradong may-ari at driver ng naturang mobile upang magpaliwanag.
Kasunod nito, sinuspinde narin ng ahenya ang lisensya ng driver na sangkot sa loob ng 90 araw at inutusan itong isuko agad ang lisensya nito bago ang nakatakdang pagdinig.
Isasailalim rin sa alarm status ang Mobile Patrol upang maiwasan ang anumang transaksyon habang nakabinbin pa ang imbestigasyon.
Ang hindi daw pagdalo o hindi pagsusumite ng komento sa itinakdang petsa ng ahensya ay itinuturing na pagtalikod sa karapatan nilang marinig sa imbestigasyon.
Magpapatuloy ang LTO sa pag-iimbestiga at gagawa ng rekomendasyon batay sa mga impormasyon na nasa kanilang daw records.—Grachella Corazon, Eurotv News