Manila, Philippines – Umaasa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na makikipagtulungan ang lahat ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity para hanapin ang 20 pang miyembro ng kanilang kapatiran na kasalukuyan ngayong pinaghahanap ng mga awtoridad kasunod ng nangyaring hazing incident sa Cavite City na ikinasawi ng isang 19-year old maritime freshmen student.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang Press conference kasama ang Spokesperson ng Tau Gamma Phi at Philippine National Police (PNP) hawak na nila ang 17 pangalan ng mga sangkot sa hazing na ipinalalagay na rin sa Look out Bulletin ng ahensya.
Ang mga ito raw ay itinuturing na bilang suspek dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law.
Mariin naman kinondena ng National Council ng Tau Gamma ang nangyaring insidente at hinikayat ang mga miyembrong sangkot na kusa nang sumuko sa mga awtoridad.
Nakatakda rin daw nilang patawan ng expulsion ang mga ito.
Ayon naman sa PNP bukod sa nasawing college student may iba ring neophyte na kasama sa Hazing incident na sa ngayon ay hindi pa nila tukoy ang pagkakakilanlan
Napag-alaman ding edad 18-19 years old ang mga suspek na kasalukuyan pang bineberipika kung lahat ito ay pawang mga estudyante.
Sabi ng DILG nakahanda na raw ang warrant of arrest na ihahain sa mga suspek sandaling matunton ang mga ito.
Ngunit paghihikayat ng DILG na mas mabuting sumuko na lamang ang mga ito, sa halip na ang PNP pa ang hahabol sakanila.
Nanindigan naman ang National Council ng Tau Gamma Phi na hindi nila pagtatakpan ang nasabing isyu at hahayaan ang mga awtoridad na panagutin ang kanilang miyembro sa ilalim ng batas.
Binigyang linaw naman ng PNP na sa ilalim ng Anti-Hazing Law, saklaw ang mga fraternities, sororities at iba pang organisasyon.
Pinoprotektahan nito ang mga estudyanteng masangkot sa marahas na gawain para lang maging miyembro ng samahan.
Mailayo sila sa anumang uri ng physical at psychological suffering.
Nakasaad din daw sa batas na umiiral ang presumption of liability, ibig sabihin lahat ng present sa initiation rites ay mananagot sa batas kabilang na ang reclusion perpetua o habang buhay na pagkakakulong kung angh biktima ay namatay.
Reclusion temporal na may 12 hanggang 20 taon na kulong at multa kung magkaroon naman ng serious injury ang biktima.
Sa kabilang banda, tiniyak ng PNP na ang sumiklab na sunog sa pinangyarihan ng hazing sa Barangay Nangkaan Uno sa Dasmarinas City, Cavite, ay hindi na makakaapekto sakanilang imbestigasyon na ginagawa lalo’t natapos na ng SOCO ang mga prosesong kailangan nila sa crime scene bago pa ito masunog.
Samantala kasama naman sa ipinanawagan ni Secretray Remulla sa Tau Gamma Phi ang reporma sakanilang samahan kabilang na ang nakasanayan nilang tradisyon lalo na ang karahasang nagaganap tuwing may initiation rites.
Una nang sinabi ni Remulla na handa siyang makipag-usap sa senior leadership ng Tau Gamma Phi para pag-usapan ang ilang usapin na may kinalaman sa kasalukuyang isyu na kinahaharap ng kapatiran.
Matatandaan na matapos mangyari ang insidente, isang neophyte na kasama rin sa initiation ang tumukoy sa mga suspek at nagbigay ng pangalan ng mga ito.