Manila, Philippines – Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, patuloy na naapektuhan ang kabuhayan ng mga tsuper at operators sa iba’t ibang sektor ng pampublikong transportasyon, pati ang mga commuters apektado na rin.
Bilang tugon, sasagutin na ng lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kita ng mga tsuper at operators upang matulungan ang mga ito sa pangaraw-araw na gastusin.
Inilunsad rin ng Manila LGU ang libreng sakay para sa mga commuters upang kahit papaano ay maibsan at mabawasan ang kanilang mga bayarin sa pamasahe.
Ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, sa bisa ng Executive Order No. 14, series of 2026, layon nitong makapagbigay ng tulong pinansyal sa sektor ng transportasyon at makapaghatid ng programang direktang makikinabang ang mga commuters sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Makakatanggap ng humigit-kumulang P3,000 kada araw ang mga tsuper at operators depende sa uri ng unit na kanilang minamaneho.
Sa kasalukuyan may 919 public utility jeepneys (PUJs) na ang ngayo’y umiikot sa iba’t ibang ruta sa buong ka-maynilaan at mga karatig-lugar nito upang magbigay ng libreng biyahe sa mga pasahero, Manileño man o hindi.
Umabot naman sa 27,994 pasahero na ang nakinabang sa unang araw pa lamang ng pagpapatupad ng Libreng Sakay ng lungsod, batay sa datos ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Tinatayang tatagal ang libreng sakay ng Manila LGU sa loob ng limang araw, dalawang beses sa isang linggo ipatutupad ang programa, sinimulan ngayong Lunes at Martes sa unang linggo, at Lunes hanggang Miyerkules sa susunod na linggo.
Samantala, pinuri naman malacañang ang naturang inisyatiba ng naturang lungsod.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, nagpapakita aniya ito ng spirit of solidarity sa kabila ng mga pagtaas ng presyo ng krudo.
Magandang halimbawa aniya ito ng pagkakaisa habang sinisikap ng pamahalaan na mabawasan ang epekto ng krisis sa langis maging ang epekto nito sa ekonomiya.—Grachella Corazon, Eurotv News