DOE: PRESYO NG LANGIS, IMPOSIBLENG BUMABA AGAD KAHIT LUMUWAG ANG SITWASYON SA STRAIT OF HORMUZ

Manila, Philippines — Kung gaano kabilis ang naging pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng kaguluhan sa Middle East, ganoon naman kahirap at katagal ang inaasahang pagbaba nito.

Iginiit ni Department of Energy Secretary Sharon Garin na hindi magiging madali at mabilis ang pagbabalik ng presyo sa dating antas.

Ayon sa kalihim, apat na linggo na ang nakalipas mula nang sumiklab ang sigalot sa Gitnang Silangan, na nagdulot na ng malaking pinsala sa Iran.

Dahil umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na suplay ng langis mula sa rehiyong ito, malabong agad bumaba ang presyo ng petrolyo.

Ani Garin, maaari pang umabot ng ilang buwan hanggang isang taon bago tuluyang maramdaman ang pagbaba ng presyo.

Sa loob ng apat na linggong tuloy-tuloy na palitan ng pag-atake, nasira rin umano ang ilang pasilidad na mahalaga sa produksyon at distribusyon ng langis.

Samantala, isang mahalagang development ang naganap ngayong Miyerkules matapos magkasundo ang United States at Iran sa dalawang linggong ceasefire.

Kasunod nito, pumayag ang Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz para sa mga operasyon ng oil supply.

Ibig sabihin, mas maraming oil tankers na na-stranded malapit sa Strait of Hormuz ang maaaring makadaan sa nasabing ruta sa loob ng dalawang linggong tigil-putukan.

Sa kasalukuyan, pumapalo na sa mahigit ₱160 kada litro ang presyo ng diesel, habang lampas ₱100 kada litro naman ang gasolina sa ilang oil retail outlets.

Babala pa ng DOE, kung muling iinit ang tensyon at magpapatuloy ang palitan ng pag-atake ng United States at Iran, posibleng umabot sa higit ₱200 kada litro ang presyo ng petrolyo sa bansa.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this