BOC ZAMBOANGA, WINASAK ANG ₱266-M SMUGGLED NA SIGARILYO

Zamboanga City, Philippines – Winasak ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga ang mga nakumpiskang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng ₱266,067,363 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan.

Ayon sa BOC, isinagawa ang condemnation activity sa Virgo 8 Tech and Waste Management Services sa Barangay Manicahan, Zamboanga City.

Sa kabuuan, 5,069 master cases, 2,620 reams, at 32 packs ng iba’t ibang uri ng sigarilyo ang winasak na nasamsam mula sa iba’t ibang enforcement operations.

Ang mga nasabing produkto ay kumpiskado dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), partikular sa Sections 1113 at 1145, at alinsunod sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Pinangunahan ang aktibidad nina BOC Enforcement Group Deputy Commissioner Nolasco K. Bathan at District Collector Elenita A. Abaño.

Sa mensahe ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, binigyang-diin niya na ang pagsira sa mga ilegal na produkto ay hindi lamang simpleng disposal kundi isang mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng batas.

“Ang smuggling ay sumisira sa kita ng pamahalaan, nagpapahina sa patas na kompetisyon, at naglalagay sa panganib sa mga mamimili dahil sa hindi reguladong produkto,” ayon kay Nepomuceno.

Dagdag pa ni Abaño, ang naturang aktibidad ay nagpapakita ng matibay na pagpapatupad ng batas upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na produkto sa merkado.

Isinagawa ang aktibidad sa presensya ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng whole-of-government approach laban sa smuggling.

Sa kabuuan, muling iginiit ng BOC ang kanilang commitment na protektahan ang hangganan ng bansa at tiyakin ang kaligtasan ng publiko laban sa ilegal na kalakalan.—Carlos Concha, Contributor

Share this