SEARCH AND RESCUE OPERATIONS SA GUMUHONG GUSALI SA ANGELES CITY,PATULOY

Pampanga, Philippines — Patuloy pa rin ang search and rescue operations matapos gumuho kahapon ang isang under-construction building sa Balibago, Angeles City, Pampanga.

Ayon sa mga awtoridad, ginagamit ng mga responders ang iba’t ibang specialized equipment kabilang ang thermal scanning technology at K9 search units upang makatulong sa pagtukoy ng posibleng signs of life sa loob ng gumuhong istruktura.

Sinabi rin ng mga otoridad na lahat ng available resources at technical capabilities ay kasalukuyang ginagamit upang masuportahan ang nagpapatuloy na rescue operations.

Katuwang din sa operasyon ang Environmental Management System (EMS) na siyang nangangasiwa sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa lugar ng insidente. Kabilang dito ang clearing operations ng mga metal debris at iba pang materyales upang matiyak ang ligtas at maayos na paggalaw ng mga rescue teams sa operational area.

Personal ding humarap si Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II sa mga pamilya ng mga nawawalang indibidwal. Ayon sa alkalde, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga pamilya ng mga biktima gayundin sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Bahagi ng koordinasyong ito ang pagsusumite ng mga larawan at impormasyon ng mga nawawalang indibidwal sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang makatulong sa validation process.

Naglaan din ang lokal na pamahalaan ng psychosocial support, pagkain, transportasyon, financial assistance, at iba pang kinakailangang tulong para sa mga apektadong pamilya.

Kahapon ay agad ding tinalakay ng mga kinauukulang ahensya ang mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO), at iba pang response units upang higit pang mapalakas ang tuloy-tuloy na rescue operations sa ground.

Napagkasunduan din ang mas pinaigting na paggamit ng thermal scanning technology at mas maayos na sectoring ng buong operasyon upang maging organisado ang deployment ng responders at mapabilis ang pagtukoy sa mga critical areas.

Kasabay nito, tinalakay rin ang traffic at access management kabilang ang pagpapatupad ng one-way flow system para sa mga ambulansya at service vehicles upang matiyak ang tuloy-tuloy na galaw ng emergency response at maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa operational area.

Pinag-usapan din ng mga awtoridad ang pag-identify sa mga available equipment, generators, at iba pang technical resources na maaaring gamitin sa bawat designated area ng operasyon.

Share this