Manila, Philippines — Karamihan sa mga Pilipino ang naniniwalang ang kasong bribery o umano’y panunuhol ni Vice President Sara Duterte ang pinakamabigat na isyung kinakaharap niya sa impeachment trial.
Batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research, 43% ng mga Pilipino, o apat sa bawat sampu, ang nagsabing ang bribery ang pinakaseryosong alegasyon laban sa bise presidente.
Sumunod ang umano’y maling paggamit ng confidential funds na may 28%.
Ikatlo ang unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman na may 10%, habang 10% rin ang nagsabing ang grave threats ang pinakamabigat na kaso.
Samantala, 8% ng mga respondent ang nagsabing hindi nila matukoy kung alin sa apat na Articles of Impeachment ang pinakaseryoso.
Ipinakita rin ng survey na sa lahat ng pangunahing rehiyon ng bansa, bribery ang itinuturing na pinakamabigat na alegasyon laban sa bise presidente.
Sa Metro Manila, 47% ang nagsabing bribery ang pinakamabigat na kaso; 54% sa Visayas; 43% sa Mindanao; at 38% sa Balance Luzon.
Ganito rin ang pananaw ng mga respondent sa iba’t ibang antas ng pamumuhay.
Nasa 37% ng mga kabilang sa Class ABC ang nagsabing bribery ang pinakamabigat na kaso, 43% sa Class D, at 50% sa Class E.
Inakusahan si Duterte ng bribery dahil sa umano’y pamimigay ng mga monetary gift sa mga opisyal at kawani ng Department of Education noong siya pa ang kalihim ng ahensya.
Ang kasong bribery ay isa sa mga Articles of Impeachment na kasalukuyang tinatalakay sa impeachment trial laban kay Vice President Duterte.
Isinagawa ang data collection mula noong July 4 hanggang July 11, 2026, kung saan 1,200 ng mga Pilipinong nasa hustong gulang na ang na-interview.—Krizza Lopez, Eurotv News