Manila, Philippines — Halos isang milyong low-income members ng Social Security System o SSS ang nakatanggap na ng tig-P2,000 sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport o UPLIFT, batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, 978,000 kabahayan ang kabilang sa Group 3 ng UPLIFT beneficiaries.
Paliwanag niya, kabilang dito ang mga employed SSS members na kumikita ng P20,000 pababa kada buwan, may naihulog na SSS contribution mula 2025 hanggang 2026, at may aktibong SSS disbursement account.
Noong Hulyo nagsimula ang DSWD sa pamamahagi ng P2,000 buwanang ayuda sa ilalim ng UPLIFT Program.
Dagdag ni Dumlao, ang SSS ang siyang namamahala sa distribusyon ng ayuda na direktang ipinapasok sa bank o disbursement account ng mga miyembro.
Batay sa datos ng DSWD, mahigit 4.4 milyong kabahayan na ang nakatanggap ng P2,000 subsidy mula nang ilunsad ang programa noong Hulyo.
Tatanggap ng P2,000 kada buwan hanggang Disyembre ang mga benepisyaryo ng UPLIFT, maliban sa mga kasalukuyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program, na kabilang sa Group 1 na may kabuuang 2.8 milyong kabahayan.
Tiniyak ni Dumlao na magpapatuloy ang payout sa buong bansa upang matiyak na lahat ng target beneficiaries ay makatatanggap ng tulong.
Binuo ang UPLIFT Program upang alalayan ang mga sektor na naapektuhan ng krisis sa langis at ng idineklarang state of national energy emergency ni Pangulong Marcos.—Krizza Lopez, Eurotv News