Manila, Philippines — Setyembre 2024 nang tuluyang maaresto si Kingdom of Jesus Christ leader at Self-proclaimed Son of God Pastor Apollo Quiboloy dahil sa mga kaso ng sex at human trafficking, sa Pilipinas, at maging sa Estados Estados Unidos.
Mula nang maaresto, idinetine si Quiboloy sa Pasig City habang gumugulong ang paglilitis para sa qualified human trafficking at child abuse sa lokal na korte, bukod pa sa mga kinahaharap na kaso sa Amerika.
Magdadalawang taon mula nang maaresto, opisyal nang humiling ang United States Department of State ng extradition ni Quiboloy sa lalong madaling panahon.
Kinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang pagpapadala ng US government ng extradition request para kay Quiboloy.
Kaugnay ito ng 2021 indictment ni Quiboloy sa California para sa mga kaso ng sex trafficking of minors, fraud, at bulk cash smuggling.
Ayon kay Romualdez, naisumite na sa Department of Justice ang extradition request, bilang sa ahensya na nakasalalay ang pinal na desisyon, at sa gitna ng mga nakabinbin nyang kaso sa Pilipinas.
November 1994 nang lumagda ang Pilipinas ng extradition treaty kasama ang United States. Sa ilalim ng Article 11, maaaring pansamantalang isuko ng bansa ang isang indibidwal kapag inuusig ito sa ibang bansang saklaw ng treaty.
Sakaling ma-extradite si Quiboloy, mananatili sya sa kustodiya ng US, at ibabalik sa Pilipinas kapag tapos na ang proceedings.
Para naman kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros, panahon na para ma-extradite si Quiboloy.
Ikinagagalak daw ni Hontiveros ang mga hurisdiksyong humahabol kay Quiboloy para mapanagot ito sa mga krimen laban sa mga kabataan at kababaihan.—Mia Layaguin, Eurotv News