Manila, Philippines — Kasunod ng makasaysayang pagkapanalo ni Alex Eala sa 2026 Mubadala DC Open sa Washington, D.C., USA, bumuhos ang pagbati at suporta mula sa mga Pilipino para sa Filipina tennis WTA champion.
Bilang chairman ng Senate Committee on Sports, pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Eala dahil sa pagbibigay nito ng karangalan sa bansa at pagiging dahilan ng pagkakaisa ng mga Pilipino.
Ayon sa senador, sa gitna ng mga hamon at matinding hidwaan sa politika, nagawang pag-isahin ni Eala ang mga Pilipino sa pagsuporta sa bawat laban nito.
“Sa panahon ngayon na ang daming kaguluhan sa mundo at watak-watak ang bansa dahil sa magulong pulitika, at least for a few hours during the last few nights, nagkaisa po ang mga Pilipino,” ayon kay Go.
Noong Miyerkules, naging co-sponsor din si Go ng Senate Resolution na nagbibigay-pugay kay Eala matapos nitong talunin si world no. 3 Jessica Pegula sa finals ng Mubadala DC Open.
Sa naturang tagumpay, naging kauna-unahang Pilipino si Eala na nagkampeon sa isang WTA Tour singles event.
“Alex Eala shattered a ceiling that many believed a Filipino tennis player could never reach. She is living proof that success is earned through discipline, perseverance, sacrifice, and an unwavering belief in one’s dream,” ani Go.
Naghain din si Go ng hiwalay na resolusyon bilang pagkilala sa makasaysayang kampanya ni Eala sa Wimbledon ngayong taon.
Binigyang-diin ng senador na bunga ng mahabang taon ng disiplina, sakripisyo, at pagsisikap ang tagumpay ng Filipina tennis star.
Matatandaang noong Martes, nagpaabot din ng pagbati ang Senate Impeachment Court kay Eala kasunod ng kanyang makasaysayang kampeonato.
ALEX EALA, TINALO SI ALYCIA PARKS NG U.S. SA CANADIAN OPEN
Samantala, nagpapatuloy ang magandang laban ni Eala sa 2026 Canadian Open sa Toronto matapos nitong talunin ang American tennis player na si Alycia Parks sa iskor na 6-1, 4-6, at 6-2 noong Huwebes.
Halos mapuno ng mga Pilipinong tagasuporta ang venue sa laban ni Eala.
Ayon sa Filipina tennis star, dahil sa mainit na suporta ng kanyang mga kababayan, lalo niyang ipinagmamalaki ang pagiging Pilipino.