GRUPO NG TRANSPORTASYON, NANAWAGAN NG MALAWAKANG KONSULTASYON SA PAGPAPATUPAD NG NCAP SA METRO MANILA

Manila, Philippines — Mariing tinutulan ng mga grupo mula sa sektor ng transportasyon ang muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa Metro Manila.

Ilang buwan ito matapos alisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) sa pagpapatupad ng naturang polisiya.

Sa pangunguna ni Ariel P. Lim, National Chairman at Lead Convenor ng National Public Transport Coalition, umaapela ang grupo na suspindihin muna ang pagpapatupad ng polisiya at magkaroon ng malawakang konsultasyon sa mga maaapektuhan nito.

Pahayag ni Lim, nais muna nilang magkaroon ng pampublikong konsultasyon upang matugunan ang kanilang mga hinaing at maipaliwanag ang mga isyung nakikita nila sa pagpapatupad ng NCAP.

Giit naman ng lider ng LTOP na si Orlando Marquez, kailanman ay hindi sila nakatanggap ng imbitasyon mula sa mga lokal na pamahalaan at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para sa konsultasyon.

Kung hindi mapakikinggan ang apela ng mga sektor ng transportasyon, magsasagawa umano sila ng tigil-pasada bilang pagkondena sa pagpapatupad ng NCAP sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Kasama rin umano sa magwewelga ang mga miyembro ng Inland Haulers and Truckers Association Philippines sa pangunguna ni Ted Gervacio.

Giit ni Gervacio, posibleng maapektuhan ng kanilang welga ang paglabas ng mahigit 7,000 container sa Manila International Container Port.

Protesta naman ng ilang operator, hindi umano nadidisiplina ang mga driver sa ilalim ng polisiya dahil mismong mga operator ang nakatatanggap ng mga violation at sila rin ang kailangang magbayad ng multa.

Patunay umano rito ang isang taxi operator na pinagtatrabahuhan ni Samuel Ramos ng Mantra Taxi, na hindi na raw nakaahon sa pagbabayad ng mga violation na umabot sa 280,000 piso.

Ngayong Lunes ang unang araw ng muling pagpapatupad ng camera-based traffic enforcement na NCAP sa limang lungsod sa Metro Manila.

Kabilang dito ang Manila, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City, at San Juan.

Samantala, ang Valenzuela City, na nag-anunsyo rin ng pagpapatupad ng NCAP, ay ipinagpaliban muna ang implementasyon dahil sa kasalukuyang rehabilitasyon ng kanilang mga kalsada at kondisyon ng trapiko.

Share this