MANILA, PHILIPPINES – Isinusulong ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang mas marami pang Post-harvest facility sa bansa para sa mga produktong agrikultura ng mga magsasaka gaya na lang ng palay.
Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Undersecretary Asis Perez na ang kakulangan sa post harvest facility ay nag reresulta ng mababang presyo ng mga produktong agrikultura na naibabalik sa mga magsasaka kahit pa mataas ang farm gate nito.
“Marami tayong post-harvest losses so, naaani na natin, na produce na natin pero bago makarating sa palengke, siguro more than half of it, nawawala along the chain e, and it is because of in-efficient logistic halimbawa,” saad ni Perez.
Dagdag pa ni Perez, kung magiging sapat ang mga pasilidad kung saan maaaring i-restore ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto, maiiwasan ang pagka-bulok ng mga ito.
“So kung hindi mo siya mare-restore mabubulok, so pag nabulok yon ma-zezero ka, so rather sell low than you know, raise everything all together pero kung meron tayong efficient, kunyari, post harvest system then you can store it, you can expand what we call shelf life of your produce at hindi masasayang at pag dumating siya sa merkado yung presyo hindi mas mataas, hindi mababa,” ani pa ni Perez.
Kung isasama lang din daw ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga programa ang pagtatayo ng post-harvest facility ng mga produktong agrikultura malaking tulong daw ito sa kanilang sektor.
Samantala, isa rin daw sa isinusulong ng Kagawaran ng Agrikultura para tumaas ang produksyon ng ating magsasaka sa bansa ay ang pagpapalawak ng mga lupang maaaring taniman na may irigasyon at pagsusulong ng modernization sakanilang sektor.
Sa tala ng DA, mababa ang mechanization rate ng Pilipinas kung ikukumpara sa ibang mga bansa.
“Marami tayong lupa na pwedeng lagyan ng irrigation pero meron tayong mga 1.2 million hectares of un-irrigated rice lands, imagine if we can only irrigate them so they can now plant rice twice or 2.5 times a year and not only rice, we can also irrigate more crops.” dagdag pa ng kalihim
Tinitingnan naman ng DA na magamit bilang bahagi ng irigasyon sa mga pananim ng magsasaka ang West Philippine Sea at Pacific side na itinuturing nilang unexplored areas na malaki daw ang maitutulong sa pag papalakas ng produksyon ng mga magsasaka.
Malaki rin ang maiaambag ng mga ganitong lugar sa panahon na kulang ang supply ng tubig sa bansa, gaya na lamang tuwing tag-init.