Manila Philippines — Abiso para sa mga motoristang bumabagtas sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa maaaring magkaroon ng panibagong toll hike sa susunod na buwan.
Sinabi ni Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo na ang pagrepaso sa aplikasyon ng NLEX Corporation para sa pagtaas ng toll ay nasa advanced stage na at maaaring matugunan sa darating na board meeting ng TRB.
Nagpatupad din ang NLEX ng toll hike noong Hunyo ng 2023, ngunit pinapayagan lamang itong mangolekta ng kalahati ng periodic adjustments na nararapat nitong makuha para sa 2018 at 2020. Ito ang magsisilbing pangalawang tranche ng pagtaas, kung sakaling ito’y maaprubahan.
Sinabi ni Carullo na ang posibleng karagdagang bayad ay kapareho ng huling pagkakataon: dagdag na P7 sa open system at P0.36 kada kilometro sa closed system.
Dagdag pa ni Carullo na kailangan ding isaalang-alang ng board ang sitwasyong pinansyal ng mga toll operator.
Bukod sa NLEX, mayroon ding nakabinbing toll hike ang South Luzon Expressway (SLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX).
Ngunit binanggit ni Carullo na titimbangin din ng TRB ang potensyal na epekto ng isa pang pagtaas ng toll sa inflation ng bansa.