MANILA, PHILIPPINES- Maaaring makatanggap ng double pay ang mga empleyadong naka-duty sa Hunyo 17, na ang itinalagang araw ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga kababayan nating Muslim, ayon sa Department of Labor and employment (DOLE).
Kasunod ito ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Proclamation 579, na nagdedeklara sa ika-17 ng Hunyo bilang isang regular holiday bilang paggunita sa Eid’l Adha.
Nakasaad sa DOLE Labor Advisory No. 08, series of 2024 ang kompyutasyon o mga panuntunan sa pagbabayad ng sahod ng mga empleyado tuwing regular holiday, kung saan ang employer ay nakatakdang magbayad ng kabuuang 200% ng sahod ng empleyado sa isang araw sa unang walong oras ng trabaho sa regular holiday.
Samantala, sakali mang hindi magtrabaho ang empleyado sa araw na iyon, ang employer ay nakatakda pa ring magbayad ng 100% ng sahod ng empleyado para sa nasabing araw.
Para naman sa overtime work o higit sa walong oras na pagtatrabaho sa regular holiday, ang empleyado ay makakakuha ng karagdagang 30% kada oras sa nasabing araw.