MANILA, PHILIPPINES – Umarangkada na ang unang public hearing para sa taas-sahod sa National Capital Region (NCR) sa pangunguna ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), kasama ang grupo ng mga manggagawa at employers’ group kung saan maaari daw asahan sa buwan ng hulyo ang taas sahod.
Inaasahang ilalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region (RTWPB-NCR) ang kanilang desisyon sa mga petisyon na dagdagan ang pang-araw-araw na minimum na sahod sa rehiyon ng kabisera bago ang Hulyo 16.
Nagsagawa ng open forum ang RTWPB kasama ang iba’t ibang stakeholders hinggil sa dagdag sahod sa Ncr.
Ang ilang grupo ay humihingi lamang ng P150 na umento, habang ang iba ay humihingi naman ng umento na P597 o kahit hanggang P750,.
Ang huling minimum wage increase sa NCR ay ipinatupad noong Hulyo 16, 2023 sa halagang P610 para sa non-agricultural sector at P573 para sa agriculture sector.
Ngunit P40 lamang ang umento na sinabi ng mga manggagawa na hindi pa rin sapat para makasabay sa presyo ng mga bilihin.
Tiniyak din ng wage board na isasaalang-alang nito ang lahat ng opinyon bago ilabas ang desisyon sa susunod na buwan.