Back-to-back na gintong medalya ang iuuwi ni Gymnast World Champion at Olympics gold medalist Carlos Yulo sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang makasaysayang panalo sa Paris Olympics 2024.
Nasungkit ni Yulo ang kanyang unang Olympic gold medal, at ang unang medalya ng Pilipinas sa Paris Games 2024, matapos makakuha ng 15.000 na score sa finals ng men’s artistic gymnastics floor exercise event noong Sabado.
Parehong emosyonal at makasaysayan ang panalong ito para kay Yulo, dahil sya ang ikalawang Filipino athlete na nakapag-uwi ng kampyeonato kasunod ni Tokyo 2020 Weightlifting Gold medalist Hidilyn Diaz.
Ngunit hindi huminto si Yulo sa isang ginto lamang dahil ipinanalo rin ng atleta ang unang karangalan sa vault event nitong Linggo, sa score na 15.116.
Dahil dito, si Yulo ang kauna-unahang Pilipinong atleta sa kasaysayan na nakasungkit ng gitno sa larangan ng gymnastics at ng dalawang magkasunod na gintong medalya sa iisang kompetisyon, sa loob ng nakalipas na 100 taon ng paglahok ng Pilipinas sa Olympics.
Bukod pa ito sa pagiging unang atleta mula sa delegasyon ng Pilipinas at ang tangi pa ring atleta mula sa Southeast Asia na nakasungkit na ng medalya mula sa naturang palaro.
Makaraan ang kanyang panalo, nakatakdang makatanggap si Yulo ng P10 milyong incentive mula sa gobyerno ng Pilipinas, sa ilalim na rin ng mandato ng republic act 10699 o ang National athletes and Coaches Benefits and Incentivces Act, bukod pa sa iba pang incentives.
UPDATES SA IBA PANG PILIPINONG ATLETA SA OLYMPICS
Samantala, buhay pa rin ang pagasa ng Pilipinas sa iba pang medalya sa pag-abante ng dalawang pinay boxers sa semi-finals ng kompetisyon, kung saan garantiya na ang tansong medalya.
Lakas ng Pinoy ang pinatunayan nina Pinay boxers Aira Villegas sa 50 kg division at Nesthy Petecio sa 57 kg division matapos kapwa dominahin ang laban kontra hometown bets mula sa France.
Sa kanilang pagpasok sa semi-finals, garantiya na ang medalya para sa natitirang dalawang atleta mula sa Philippine boxing delegation.
Nakatakda ang laban ni Villegas sa ika-7 ng Agosto, habang sa ika-8 naman ng Agosto si Petecio.
Sa iba pang balita, malaki pa rin ang pagasa ng Pilipinas sa isa pang medalya makaraan ang pagpasok ni world No. 2 EJ Obiena sa finals ng Pole Vaulting.
Gaganapin ang finals sa ika-6 ng Agosto.