Pormal nang naghain ng kaso si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV laban sa anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at iba pang indibidwal dahil sa kaugnayan umano sa drug smuggling.
Sa complaint affidavit na isinampa ni Trillanes sa Department of Justice, naghain ito ng drug smuggling case laban sa 10 indibidwal na miyembro ng Davao Group na sangkot umano sa P6.4 billion shabu shipment na nasabat noong 2017.
Kabilang sa mga sinampahan ni Trillanes ng kaso si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, na anak ni dating presidente Duterte, at si Manases “Mans” Carpio, na asawa ni Vice President Sara Duterte.
Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso sina Charlie Tan, “Tita Nanie” Cabatu-Coronacion, at Nicanor Faeldon, na dating director-general ng Bureau of Corrections at commissioner ng Bureau of Customs sa administrasyon ni FPRRD.
Dagdag pa sa mga may kaso sina Allen Capuyao, chairan ng National Commission on Indigenous Peoples hanggang noong nakaraang taon, si Neil Estrella na dating BoC Investigation and Intelligence Service Chief, at si Davao City Councilor Nilo Abellera Jr.
Gayundin sina Pompey “Jack” Perez at Teofilo Joseph “Jojo” Bacud.
Nahaharap ang 10 indibidwal sa kaso ng paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002“, at paglabag sa RA 3019 o ang “Anti-Graft and Corrupt Practices Act.”