Malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang inaasahang sasalubong sa mga motorista sa ikalawang linggo ng buwan ng Agosto.
Batay sa mga Fuel forecast, nakaamba ang halos dalawang pisong bawas-singil sa presyo ng mga produktong petrolyo simula sa Martes, ika-13 ng Agosto.
Sa paunang abiso ng oil firms na Seaoil at Shell Pilipinas, magkakaroon ng halos P2.45 kada litro na tapyas sa presyo ng gasolina.
P2.40 kada litro naman para sa presyo ng kerosene, habang P1.90 per liter naman ang sa diesel.
Ito na ang ikatlong magkakasunod na linggo ng rollback sa gasolina, habang ang ikalimang linggo naman ng tapyas para sa presyo ng kerosene at diesel sa merkado.