Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga pulis at mga taga-suporta ni Pastor Apollo Quiboloy nang subukang buksan ng mga otoridad ang pangunahing gate ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City nitong Lunes ng umaga.
Sinubukan ng mga taga-suporta na harangan ang pagbubukas ng gate upang pigilan umano ang mga pulis na makapasok at magdala ng mga gamit na maaaring gamitin bilang ebidensya laban sa kanila.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, abogado ng KOJC, pinapayagan naman ang mga pulis na makapasok sa isa pang gate kung saan may inilagay silang scanner.
Ngunit sinabi ng tagapagsalita ng PNP Davao Region na hindi sila makapasok at makalabas ng malaya sa nasabing gate, kaya kinailangan nilang buksan ang main gate. Nilinaw rin nilang wala silang intensyon na magtanim ng ebidensya.
“There will be no planting of evidence dahil subject naman ng warrant of arrest natin ay tao o persons, Quiboloy and four others,“ sabi ni P/Maj. Catherine Dela Rey, tagapagsalita ng PNP Davao Region.
“Kung may ipapasok man kami na mga gamit, it would be in aid sa ginagawa namin na pagsearch kay Quiboloy,” dagdag ni Dela Rey.
Nagpahayag naman si Torreon, “How you will break entry, what will be your legal basis when you are already inside, you are already controlling property inside and you have access in gate 18. We have been continuously informing General Torre, but he would not listen and what he did he used force in destroying the lock of Emerald Gate.”
Ayon naman sa PNP, walang nasira sa gate dahil ito ay pinayagan namang buksan ng KOJC matapos nilang makiusap.
Nasa ika-sampung araw na ng paghahanap kay Quiboloy sa KOJC compound, ngunit naniniwala ang PNP na hindi pa ito nakalalabas ng compound. Aminado naman ang PNP na nahihirapan sila dahil sa lawak ng compound at dami ng mga gusali.
“Yung sinasabi na bakit matagal, tingnan nyo naman yung complexities ng KOJC compound, nakikita din nyo yung mga resistance ng mga followers niya. Nahihirapan din kami pero ginagawa din namin ang lahat na matapos agad. Ang pinakamabilis na solusyon ay kapag magsurrender si Quiboloy. Maipakita din niya yung bayag nya as leader of KOJC na hindi sya nagtatago sa likod ng mga miyembro at followers,” dagdag pa ni Dela Rey.
Giit pa ng PNP Davao Region, hindi lamang isang source ang nagsasabing nasa KOJC compound pa si Quiboloy.
“Base sa mga information, base sa mga actuations ng mga followers nya sa loob, mas nagpabigat doon sa paniniwala namin na nasa loob ng KOJC compound si Quiboloy,” ayon sa tagapagsalita ng PNP Davao Region.
Sa kasalukuyan, tumanggi muna ang PNP na ibahagi ang iba pang detalye ng kanilang operasyon sa KOJC compound.
Halos 50 porsyento na ng compound ang nahahalughog ng PNP, kabilang ang cathedral, isa sa mga lugar na tinitingnan kung saan maaaring naroroon si Quiboloy.