BSP, Nagsagawa ng Imbestigasyon sa GCash Fund Issues

Manila, Philippines – Bunsod ng mga ulat ukol sa mga unauthorized withdrawals at fund deductions sa mga account balance ng ilang Gcash users nitong nakaraang linggo, pinasimulan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang isang imbestigasyon ukol dito.

Sa isang press release nitong Lunes, Nobyembre 11, sinabi ng BSP na inatasan nila ang G-Xchange, Inc. (GXI), operator ng Gcash, na agarang resolbahin ang mga isyu ng unauthorized deductions sa mga account ng mga e-wallet users, at siguraduhing makukumpleto ang pagrerefund sa mga nawalang pera.

Sa inisyal na ulat ng GXI patungkol sa insidente, bunsod umano ng isang system error ang mga naganap na unathorized transactions, kung saan biglang nawala ang pera ng mga account users.

“Based on the initial report of GXI to BSP, the incident was attributed to a system error. GXI assured that all accounts of GCash users remain secure and that they are now in the process of refunding the deductions,” paliwanag ng BSP.

(Ayon sa paunang ulat ng GXI sa BSP, ang insidente ay iniugnay sa isang system error. Tiniyak ng GXI na ang lahat ng account ng mga GCash user ay nananatiling ligtas at kasalukuyan nilang isinasagawa ang pag-refund ng mga kinaltas na halaga)

Mahigpit naman na nakikipag-ugnayan ang BSP sa GXI para sa mga regular na updates kaugnay ng insidente at sa mga hakbang para sa pagresolba nito.

“BSP encourages affected users to coordinate with GXI for the immediate resolution of their complaint. If not satisfied with GXI’s handling, consumers may escalate concerns to the BSP Online Buddy,” dagdag ng BSP.

(Hinihikayat ng BSP ang mga apektadong user na makipag-ugnayan sa GXI para sa agarang pagresolba ng kanilang reklamo. Kung hindi nasiyahan sa paghawak ng GXI, maaaring idulog ng mga consumer ang kanilang mga alalahanin sa BSP Online Buddy)

Ayon naman sa pamunuan ng Gcash, may ilang customers na nakaranas ng system reconciliation process sa kanilang e-wallet system, ngunit siniguro nila na ‘safe’ ang kanilang mga accounts.

Naibalik na rin anila ang balances ng ilan sa mga customers na apektado ng system error na ito, at patuloy ang isinasagawang refunding.

Share this