Sa Pilipinas ang korona. Literal.
Sa unang pagkakataon, ang mananalo sa Miss Universe ay magsusuot ng korona na gawa ng Filipino high jewelry brand na Jewelmer.
Tinatawag na “The Light of Infinity,” tampok sa disenyo ng korona ang South Sea Pearl, ang national gem ng Pilipinas.
Ang mistulang center of attention naman ay ang nag-iisang gintong perlas sa gitna nito at may mga sinag na nakapaligid na puno ng brilyante.
“Historic moment for our brand and also the Philippines,” saad ni Jewelmer founder Jacques Christophe Branellec nang isinapubliko ng Miss Universe ang bagong korona sa Mexico City nitong Miyerkules, Nobyembre 13.
“It is an honor to share with you the beauty of our national gem – the golden south sea pearl,” pagmamalaki pa niya.
Samantala, ang pambato ng Pilipinas na si Chelsea Manalo ay tatangkain na masungkit ang korona sa coronation night sa Nobyembre 16 (Nobyembre 17, Linggo, oras ng Pilipinas).
Posible kaya na ang unang makasuot ng Filipino-crafted crown ay isang Pilipino rin?