PSA, PAPARANGALAN ANG ILANG PINOY ATLETA SA AWARDS NIGHT 2025

Manila, Philippines – Inihahanda na ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang pagbibigay parangal sa mga natatanging atleta at organisasyon sa gaganapin Awards Night nito sa Enero 27, 2025.

Sa pangunguna ni PSA President at Philippine Star sports editor Nelson Beltran, kikilalanin ang mga nagbigay ng karangalan sa bansa sa isa sa umano’y pinakamatagumpay na taon para sa kasaysayan ng Philippine sports — ang 2024.

Magiging highlight ng gabi ang pagkilala kay Carlos Yulo bilang Athlete of the Year matapos magwagi ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics.

Kasama rin sa bibigyang-pugay sina Nesthy Petecio at Aira Villegas, na nag-uwi ng tig-isang tansong medalya sa parehong kompetisyon.

Isa ring aabangang bahagi ng programa ang induction ng bagong sports legend sa PSA Hall of Fame, para sa yumaong track and field icon na si Lydia De Vega.

Paparangalan din ang mga dating Pilipinong Olympian at mga kinatawan ng 2024 Paralympic Games.
Bibigyang-pugay naman ang mga kabataang atleta sa pamamagitan ng Tony Siddayao Awards at Milo Awards.

Share this