BULKANG KANLAON, NASA ALERT LEVEL 3 NA; 87K RESIDENTE, KINAKAILANGANG ILIKAS

Negros Occidental, Philippines – Iniakyat na sa Alert Level 3 ang estado ng bulkang Kanlaon sa Negros Island kasunod ng naging pagputok nito nitong Lunes, ika-9 ng Disyembre.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang isang explosive eruption sa tuktok ng bulkang Kanlaon, 3:03 ng hapon.

Sa naging pagputok ng bulkan, nagbuga ito ng plume na umabot sa 3,000 meters ang taas, na may mga kasamang red-hot ashes at iba pa.

Bunsod nito, inabisuhan na rin ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na lumikas na mula sa 6-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan.

Ayon sa Office of the Civil Defense, may 87,000 mga indibidwal at residente sa paligid ng bulkan ang inilikas na.

Tinutukan din ng mga awtoridad ang pagresponde at paglilikas sa 46,900 na mga indibidwal sa La Castellana na sakop ng 4-6km na danger zone ng bulkan.

Mayroon na ring itinakdang 11 barangays sa Negros Occidental para maging evacuation centers ng mga pinalikas na residente.

Samantala, bilang tugon sa kalamidad, nakapagpadala na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 1.4 million boxes ng family food packs sa Western Visayas, Central Visayas, at sa iba pang kalapit na rehiyon.

Sa kasalukuyan, humupa na ang pag-aalburoto ng bulkan ngunit patuloy pa rin ang monitoring ng PHIVOLCS at mga LGU’s malapit sa bulkang Kanlaon, lalo pa at posible pang itaas ang alert level nito.

Share this